BULACAN-LABING-APAT na law violators kabilang ang limang drug peddlers ang nadakip ng Station Drug Enforcement Unit(SDEU) sa serye ng buy-bust at police operation sa lalawigang ito kamakalawa ng gabi at kahapon ng madaling araw.
Sa isinumiteng report kay Col.Rommel J. Ochave,Acting Provincial Director ng Bulacan PNP,nakilala ang limang drug pusher na sina Richard Cahilig alias Pilay at Joselito Legaspi,kapwa nakatira sa Barangay Caingin,Bocaue;Girlie Santiago ng Barangay Panasahan at Rodolfo Paraiso ng Barangay Sto.Rosario,kapwa sa Malolos City at Randolf Sabanal alias Weweng ng Barangay Tibagan,San Miguel.
Ang limang drug pusher ay magkakasunod na nadakip ng operatiba ng SDEU ng Malolos City police sa Barangay Panasahan,Malolos City,sa Barangay Tibagan,San Miguel at sina Cahilig at Legaspi na nakorner dakong ala-1 kahapon ng madaling araw sa Barangay Caingin,Bocaue at nakumpiska sa limang suspek ang kabuuang 19 pakete ng shabu,cellphone,pouch at buy-bust money.
Samantala,nakorner naman ng Plaridel police ang suspek na si Dexter Biay ng Western Bicutan,Taguig City matapos dumaan sa Comelec Check-point sa bayan ng Plaridel habang lulan ng motorsiklo at may kargang isang sako ng bigas na nadiskubreng ninakaw sa nasabing lugar.
Habang dalawa pa ang nadakip sa police response sa bayan ng Calumpit at Malolos City dahil sa kasong Qualified theft at limang wanted naman ang natimbog ng tracker team ng Marilao police at pinagsanib na puwersa ng 2nd Provincial Mobile Force Company(PMFC) at Sta.Maria police sa bayan ng Sta.Maria sa manhunt operation at nakorner ang mga suspek na may mga kasong paglabag sa PD 1602 o Anti-illegal gambling law at Violation of RA 7610 o Anti-Child Abuse Law. MARIVIC RAGUDOS