LABING-apat pang Pinoy seafarers na nasa Brazil ang nagpositibo sa COVID-19.
Ayon kay Brazil Philippine Ambassador Marichu Mauro, 11 dito ang nakarekober, 2 ang nananatili sa ospital at isa naman ang nasawi.
“Mayroon tayong Filipino seafarers, hindi po sila nakatira rito sa Brazil ngunit dumaong ang ship sa Brazilian ports, mayroon po tayong mga 14 Filipino seafarer who were found out to be COVID positive,” ani Mauro.
Idinagdag pa nito, bagaman marami ang kaso ng COVID-19 sa Brazil ay kakaunti lang ang mga naitalang kaso para sa mga Pinoy.
Wala rin aniyang tinamaan ng virus sa mga Pinoy na nakatira at nagtatrabaho mismo sa Brazil.
Sinabi pa ni Mauro, patuloy ang monitoring sa sitwasyon ng mga OFW sa Brazil sa pamamagitan ng kanilang honorary consuls.
Bukas din aniya ang kanilang mga tanggapan para sa mga hinaing o paghingi ng tulong sa hanay ng mga Filipino roon lalo na may ilan ding nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng mga restaurant, hotel at iba pang negosyo sa Brazil dulot ng pandemya.
Gayundin, may ilang Pinoy na ang nagpahiwatig na gusto na nilang umuwi ng Filipinas kung kaya’t nakikipag-ugnayan na ang embahada sa Department of Foreign Affairs (DFA) para matulungan ang mga ito.
Pinaalalahanan din ang mga Pinoy sa naturang bansa na iwasan muna ang pagbiyahe para hindi mahawaan ng virus. LIZA SORIANO
Comments are closed.