140 P2P BUSES IKAKALAT | Pilipino Mirror Pilipino Mirror
p2p bus

140 P2P BUSES IKAKALAT

PINAALALAHAN ng Department of Transportation ang publiko na nakatakda nang magsimula ngayong Lunes Santo ang taunang maintenance shutdown ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), na isasagawa sa buong linggo ng Semana Santa, o hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay sa Abril 21.

Ipinaliwanag ng DOTr na kung dati ay apat hanggang limang araw lamang ang maintenance shutdown, kinailangan nilang mas matagal na itigil ang biyahe ng kanilang mga tren ngayong taon dahil sa ‘degraded condition’ ng mga ito.

Ayon sa ahensiya, layunin nito na paghusayin ang reliability ng MRT-3 system.

Nabatid na kabilang sa maintenance activities na isasagawa ngayon sa MRT-3 ay ang pagpapalit ng mga switch, rail grinding, structural testing, topographic survey at monitoring plan activities para sa MRT-3 structures.

Tiniyak naman ng DOTr na walang dapat na ikabahala ang mga mananakay sa 7-day maintenance shutdown dahil magpapakalat ang pamahalaan ng may 140 point to point (P2P) buses upang may alternatibo silang masasakyan habang walang biyahe ang mga tren ng MRT-3.

Sinabi ng DOTr na ang naturang airconditioned buses ay bibiyahe mula alas-5 ng madaling araw hanggang alas-9 ng gabi sa Abril 15 hanggang 17, at mula Abril 20 hanggang 21.

Ang pasahe sa P2P buses ay kapareho rin ng sa MRT-3.

Hindi rin bibiyahe ang naturang mga bus sa Huwebes Santo, Abril 18, at Biyernes Santo, Abril 19.

Maglalagay rin ang DOTr ng signs sa mga bus upang matukoy ng mga pasahero kung saan ang biyahe ng mga ito.

Inaasahang magbabalik ang biyahe ng MRT-3 sa Abril 22, Lunes.

Ang MRT-3 ay bumibiyahe sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), mula North Avenue station sa Quezon City hanggang Taft Avenue station sa Pasay.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

0

POST A COMMENT

Your email address will not be published. Required fields are marked *

ADS