HALOS 141,000 manggagawa ang nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara at retrenchment ng mga kompanya sa unang walong buwan ng taon, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Batay sa Job Displacement Monitoring Report ng DOLE regional offices, may kabuuang 140,958 empleyado ang naapektuhan sa buong bansa mula sa 6,843 establisimiyento mula Enero 1 hanggang Agosto 2.
Sa naturang bilang, 90 percent o 6,163 establisimiyento ang nagbawas ng empleyado habang ang nalalabing 10 percent o 680 establisimiyento ay permanente nang nagsara.
Ayon pa sa report, may 128,474 manggagawa ang natanggal sa trabaho habang may kabuuang 12,484 ang nawalan ng trabaho dahil sa permanenteng pagsasara sa Metro Manila.
Ang National Capital Region (NCR) ang nagtala ng pinakamaraming displaced workers sa 62,369, sumusunod ang Region 4-A (Calabarzon) na may 31,935 workers na apektado mula sa 1,292 establisimiyento.
Ang Region 9 (Zamboanga Peninsula) naman ang nagtala ng pinakakaunting displaced workers na may 116 mula sa 20 establisimiyento.
“The most number of workers displaced are from the sectors of administrative and support service at 24 percent or 34,154 and manufacturing at 14 percent or 19,557,” nakasaad pa sa report.
Samantala, may kabuuang 107,152 establisimiyento na sumasakop sa 3,023,601 manggagawa ang nagpapatupad ng flexible work arrangements at temporary closure.
Ang numero ay base sa notices of shutdown at retrenchment na isinumite ng mga employer sa DOLE regional offices. PNA
Comments are closed.