143 NAPUTUKAN SA BAGONG TAON

LUMALABAS sa pinakahuling ulat ng Manila Police District (MPD) na nakapagtala ng kabuuang 143 indibidwal na biktima ng paputok sa lungsod ng Maynila sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Base sa inilabas na impormasyon ng MPD, mula sa kabuuang bilang, nanatili pa sa pagamutan nitong Enero 1 ang 14 na mga biktima.

Pinakamaraming naitalang biktima ang Raxabago Police Station 1 sa Tondo na may 33 kaso, kasunod ang Sampaloc Police Station 4 na may 29 na kaso, at ikatlo ang Sta. Ana Police Station 6 na may 19 na kaso.

Sa kabila nito, walang namonitor na ilegal na pagpapaputok ng baril habang nasa kasagsagan ng selebrasyon ng Bagong Taon.

Samantala, aabot sa higit P78,000 libo ng iba’t ibang uri ng ipinagbabawal na paputok ang nakumpiska ng pulisya na ibinibenta sa mga kalsada ng Maynila.

Kabilang sa mga kinumpiska ang mga 500 rounds ng “Sawa”, Pla-Pla, Kingkong, Kwitis, Special Bawang, at mga naglalakihang fountains.

PAUL ROLDAN