MAY kabuuang 144 Filipino Para athletes ang kakatawan sa bansa sa ASEAN Para Games na gaganapin sa July 30-Aug. 6 sa Surakarta, Indonesia.
Ito ang magiging unang international competition sa gitna ng pandemya para ss Filipino Para athletes, na limitado sa online training sa nakalipas na dalawang taon.
“Ang importante ay makita natin ang performance ng athletes natin matapos ang mahabang pahinga,” sabi ni athletics coach Joel Deriada.
“Pero gutom na gutom ang athletes natin pati mga coaches na magbigay ng karangalan sa bansa,” dagdag niya sa online Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon.
Dumalo rin si swimmer Ernie Gawilan, beterano ng Tokyo Paralympics at double-gold medalist sa 2017 ASEAN Para Games, sa forum na itinataguyod ng San Miguel Corporation, MILO, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Amelie Hotel Manila, Unilever, at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PACGOR).
Gigil na si Gawilan at ang kanyang mga kapwa swimmer na lumaban matapos na sumailalim sa bubble training kasama ang iba pa sa Team Philippines sa Philsports sa Pasig City magmula noong June 6. Ang face-to-face training ay nagsimula noong Enero.
“Maganda po ang training namin ngayon. Lahat ng athletes gigil na,” sabi ni Gawilan, at idinagdag na ang lahat ng kanilang mga pangangailangan ay ipinagkaloob ng PSC.
“Maganda ang bubble. Focused ang athletes. Kain, tulog at training lang. Everything is provided. Lahat ng kailangan ng athlete,” ani Deriada.
Ang Team Philippines ay aalis sa July 26 sa isang chartered Philippine Airlines flight at uuwi sa Aug. 7. Kasama sa delegasyon ang 68 officials, kabilang ang coaches, trainers af medical staff.
Ang mga Filipino athlete ay sasabak sa archery, athletics, badminton, boccia (precision ball), chess, goal ball, judo, powerlifting, sitting volleyball, swimming, table tennis at wheelchair basketball.
Ang athletics team ay kabibilangan ng 24 athletes, kabilang ang 11 newcomers. Umaasa silang mahihigitan ang medal haul na 9 gold, 5 silver at 6 bronze medals sa 2017 edition sa Malaysia.
Sa kabuuan, ang Pilipinas ay may medal haul na 20-20-29 para sa fifth place overall sa huling edisyon ng ASEAN Para Games na nadominahan ng Indonesia na may 126-75-83 kasunod ang Malaysia, Thailand at Vietnam.