1,440 PAMILYA, MAKIKINABANG SA TURNOVER NG HOUSING PROJECT NG SHFC

TINATAYANG mahigit 1,440 pamilya ang inaasahang mabibiyayaan ng murang pabahay ng Social Housing Finance Corporation (SHFC) sa Bacoor, Cavite.

Sa ginanap na ceremonial turnover ng housing units na pinasinayaan nina Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Eduardo del Rosario, Bacoor Mayor Lani Mercado Revilla, Cavite 2nd District Rep. Strike Revilla at SHFC President Atty. Arnolfo Cabling ipinakita ang mga housing units na titirhan ng pamilyang mula sa waterways at danger zones mula sa Bacoor.

Ikinagalak naman ni DHSUD Sec. Del Rosario ang proyekto para sa mga mahihirap na pamilya ng Bacoor.

Sinabi naman ni SHFC Pres. Cabling na nai-turnover ang proyekto sa Ciudad de Strike Homeowners Association, Inc. na nagkakahalaga ng P883 milyong construction project na makukumpleto sa Marso 2022 na may 20 three-story buildings sa ilalim ng Vertical Community Mortgage Program (CMP).

Nabatid na ang pagtatayo ng housing project ay nagsimula noong Disyembre 2019 kung saan bawat sambahayan ay sasakupin ang isang 20-square meter na unit na may silid para sa loft.

Ang CMP ay naglalayon na mapabuti ang kalagayan ng pamumuhay ng mga mahihirap na pamilya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng abot-kayang financing scheme kung saan maaari silang humiram bilang isang komunidad para bilhin ang lupang kanilang inookupahan o nais na lipatan. Sa ngayon, nakapagbigay na ito ng security of tenure sa humigit-kumulang 380,000 pamilya sa pamamagitan ng humigit-kumulang P18.8 bilyon na tulong sa pautang.

Ang SHFC ay ang nangungunang ahensiya ng Pangulong Duterte na tumutulong sa mga mahihirap na komunidad upang matiyak ang pagmamay-ari ng lupa sa pamamagitan ng shelter financing at mga solusyon sa pagpapaunlad ng Building Adequate, Livable, Affordable, and Inclusive (BALAI) Filipino communities. BENJIE GOMEZ