UPANG matiyak ang kaligtasan ng publiko sa selebrasyon sa Chinese New Year, aabot sa 1,457 na pulis ang idineploy ng Philippine National Police (PNP) sa mga estratehikong lugar kung saan mataas ang antas ng selebrasyon nito.
Ang mga lugar sa Metro Manila na maaaring idaos ang selebrasyon ay ang Binondo, Maynila at sa Banaue, Quezon City.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Benjamin Acorda Jr., kumpiyansa siya na alam na ng mga idineploy ang mga security measure upang matiyak ang kaligtasan ng mga Tsino at mga makikisaya sa nasabing selebrasyon.
Inaasahan kasing nasa mahigit kalahating milyong katao ang pupunta sa Plaza Binondo Ruiz simula nuong kick-off ceremony noong February 1 ng Chinese New Year kasama na dito ang mga turista.
Dagdag pa ni Acorda, mayroong police visibility sa lugar at mga checkpoint.
Una nang ipinaalala ng PNP sa mga dadalo at manonood ng Dragon dance na huwag nang magdala ng malalaking halaga ng pera at alahas lalo na’t siksikan at maaari itong ma-take advantage ng mga mandurukot.
EUNICE CELARIO