14,895 BAGONG KASO NG COVID-19

doh

MAY  14,895 bagong kaso pa ng COVID-19 ang naitala ng Department of Health (DOH) sa bansa, araw ng Huwebes.

Batay sa case bulletin no. 523 ng DOH, nabatid na dahil sa mga naturang bagong kaso ng sakit, umaabot na ngayon sa 1,791,003 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.

Sa naturang bilang, 6.2% pa o 111,720 ang kabuuang bilang ng aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman, kabilang ang 95.3% ang mild cases, 1.8% ang asymptomatic, 1.3% ang severe, 0.87% ang moderate at 0.7% ang kritikal.

Samantala, nakapagtala naman ang DOH ng 8,248 pang pasyente na gumaling sa karamdaman sanhi upang umakyat na sa 1,648,402 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 92.0% ng total cases.

Mayroon namang 258 pang mga pasyente ang binawian ng buhay dahil sa karamdaman kaya’t umaabot na ngayon sa 30,881 ang kabuuang COVID-19 deaths sa bansa o 1.72% ng total cases.

Ayon sa DOH, mayroong 387 duplicates ang inalis nila sa total case count, kabilang ang 385 recoveries.

Nasa dalawang kaso rin ang unang tinukoy bilang recoveries ang malaunan ay napag-alaman na aktibong kaso pa pala.

Mayroon namang 180 kaso ang unang tinukoy na gumaling na mula sa karamdaman ngunit natuklasang pumanaw na pala sa pinal na balidasyon.

“Ayon sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong August 17, 2021 habang mayroong 2 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS). Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 2 labs na ito ay humigit kumulang 0.2% sa lahat ng samples na naitest at 0.3% sa lahat ng positibong mga indibidwal,” ani DOH.

“Sa patuloy na pagtaas ng mga kaso, pinaaalalahanan po natin ang lahat na patuloy na sumunod sa minimum public health standards. Kapag naman nakaranas ng mga sintomas ay agad na mag -isolate at kontakin ang inyong Barangay Health Emergency Response Teams,” dagdag pa ng DOH. Ana Rosario Hernandez

36 thoughts on “14,895 BAGONG KASO NG COVID-19”

Comments are closed.