(149 golds, 117 silvers, 121 bronzes) PINAS HARI SA 2019 SEAG

PH TEAM

MAKARAAN ang halos dalawang linggong kompetisyon ay nagwakas na ang 30th Southeast Asian Games kahapon.

Nabawi ng Filipinas ang overall crown sa biennial meet makaraang humakot ng kabuuang 387 medalya – 149 golds, 117 silvers at 121 bronzes. Huling hinawakan ng Filipinas ang overall title noong 2005 — ang huling pagkakataon na nag-host ito sa regional sports meet.

Sa closing ceremony kahapon sa Athletics Stadium sa New Clark City ay pinangunahan ni Amercian rock band ‘Journey’ frontman Arnel Pineda ang pag-awit ng Philippine national anthem.

Isang 45-minute drone show ang isa sa highlights ng seremonya na sinundan ng parada ng mga atleta kung saan nagpalitan ang mga ito ng ‘high 5’, nagkamayan at nagyakapan, tanda ng pagkakaibigan matapos ang mainit na labanan sa 56 sports sa harap ng libo-libong manonood.

Bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo at kontribusyon sa multi-sport event, ang lahat ng SEA Games volunteers ay binigyang pugay sa programa.

Sinaksihan ni Team Philippines Chief of Mission at Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Buitch’ Ramirez ang seremonya kung saan ginawaran ng medaya ang mga nanalo sa swimming at athletics.

Maraming itinanghal na bagong bayani at karamihan sa mga beterano ay  muling nagbigay ng karangalan sa bansa, kabilang sina Brazil Olympic weightlifting silver medalist Hidilyn Diaz, Olympic-bound gymnast Carlos Edriel Yulo at pole vault specialist Ernest John Obiena, three-time SEA Games gold medalist, defending judo champion at Asian Games silver medalist Kiyomi Watanabe at kapwa Filipino-Japanese Mariya Takahashi.

“It was a friendly competition. They played against each other under the spirit of sportsmanship and Olympic Solidarity,” sabi ni Ramirez.

Nagulat si Ramirez sa ipinakita ng mga Pinoy. “They played superior in their pet events,” sabi ni Ramirez.

Hindi lang sina Ramirez, Philippine Olympic Committee (POC) president at Cong.  Abraham Tolentino at Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) chairman at House Speaker Alan Peter Cayetano ang natuwa sa tagumpay ng mga atletang Pinoy kundi maging si Presidente Rodrigo Duterte na nangako na bibigyan niya ng P300,000 at gagawaran ng Order of Lapu Lapu ang mga gold medallist. Ito ay bukod pa sa insentibo na ipagkakaloob ng PSC na  P300,000 para sa gold winners, P150,000 sa silver at P60,000 sa bronze medalists.

Malayong pumangalawa sa Filipinas ang Thailand na may 85-92-106, kasunod ang Vietnam na may 81-80-95, at Indonesia na may 70-76-102.

Ang 149 ginto at 117 pilak ang pinakamataas na nakolekta ng Pinas sa kasaysayan ng SEA Games buhat nang sumali ito noong 1977 sa Malaysia sa pamumuno ni POC president Nereo Andolong.

Ang ginto at pilak na nakuha sa 30th edition ng biennial meet ay mahirap nang mapantayan at mananatili sa alaala ng mga Pinoy na nanood sa SEA Games.

“The total number of golds and silvers collected will be difficult to duplicate. It takes long, long years to match these medals,” sabi ni Phisgoc official at triathlon president Tom Carrasco.

Dinomina sa ikatlong pagkakataon ng mga aleta ni Carrasco ang triathlon kung saan muling namayani sina Olongapo native John Chicano Leerams at Marion Kim Mangrobang at nanalo si Monica Torres sa duathlon.

Marami ring natuklasang bagong mukha sa biennial meet, kasama sina bagong marathon queen Christine Hallasco, lifter Kristel Macrohon, Melcah Caballero, Cris Nervaes, Joanne Delgaco, Daniela de la Pisa at first timers Filipino-Americans Natalie Uy, Kristina Knott, at William Morrison na nanalo sa kanilang paboritong sports.

Sina Knott, Uy at Morrison ay nagtala ng bagong SEA Games records sa 200m, pole vault at shotput, ayon sa pagkakasunod-sunod. CLYDE MARIANO

Comments are closed.