PASABOG ang anti-crime drive ng Bulacan police sa loob ng tatlong araw o 72-oras dahil nakalambat sila ng kabuuang 149 katao kabilang dito ang 82 sangkot sa illegal drugs bunga ng Project Double Barrel Reloaded na sakop ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO).
Ayon kay P/Col.Emma M. Libunao, Acting Provincial Director ng Bulacan PPO, ang anti-crime drive ay bunga ng direktiba ni P/Lt/Gen.Archie Gamboa, OIC ng PNP, kung saan 47 anti-drug operation ang isinagawa sa 21 bayan at tatlong siyudad sa Bulacan at nakaaresto ng 82 tulak at adik sa droga na pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165.
Ang mga nasakoteng drug pusher ay nakadetine ngayon at nakumpiskahan sila ng kabuuang 228 pakete ng shabu, 13 pakete ng damo, isang caliber 38 revolver na kargado ng anim na bala, drug paraphernalias at buy bust money at ang pagkakadakip sa mga drug suspect ay sinimulan noong alas-12:00 ng hatinggabi noong Disyembre 13 at natapos ng alas-12 ng hatinggabi noong Disyembre 16.
Bukod dito, 45 manhunt operation din ang ginawa ng Bulacan-PNP at 2 most wanted person (MWP) ang nadakip at 44 iba pang wanted ang nasakote, lima ang nahuli sa anti-illegal gambling at 21 ang nahuli sa police response.
May napatay ring isang tulak sa Barangay Lalangan, Plaridel nang manlaban bukod pa sa tatlong holdaper na napatay sa bayan ng Pandi kamakalawa ng gabi na pawang pasok sa 3 day na SACLEO o crime drive ng Bulacan-PNP. MARIVIC RAGUDOS
Comments are closed.