(14th month pay) DOTr OFFICIALS IBIBIGAY NA LANG SA QUAKE VICTIMS SA MINDANAO

14th month pay

NAPAGPASYAHAN na lamang  ng mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr)  na i-donate  ang  kanilang 14th month pay  sa mga biktima ng lindol sa Mindanao.

Nagkasundo ang undersecretaries, assistant secretaries at mga namumuno  sa attached agencies ng DOTr sa pangunguna ni Secretary Arthur Tugade na  i-donate ang kanilang 14th month pay sa pamamagitan ng Du30 Cabinet Spouses Association, Inc.

Lumabas ang ideyang ito  sa talakayan para sa magi­ging pagtugon ng ahensiya sa ­pangangailangan ng mga nilindol na lugar.

Bukod sa kabahayan ng maraming residente sa Cotabato ay wasak din sa lindol ang maraming kalsada at iba pang mga impraestruktura sa rehiyon.

Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, mas dapat unahin ang pangangailangan ng mga residente tulad ng pagkain, inumin, koryente at ligtas na matitirhan.

Sinabi pa ng kalihim na  hindi  mahalaga  kung gaano kalaki ang maiambag, ang  mahalaga ay pairalin ang diwa ng pagtulong sa kapwa lalo na sa panahon ng kalamidad.