14TH MONTH PAY, REBYUHIN MUNA

SEN TITO SOTTO

UMAPELA  si   Senate President Vicente Sotto III sa mga pribadong kompanya na huwag ilaglag ang kanyang panukalang bigyan ng 14th month pay ang mga manggagawa.

Sinabi ni Sotto sa kanyang mga kritiko na rebyuhin muna ang kanyang panukalang batas  “14th Month Pay” bago ito tutulan.

“Nakakarinig ako ng mga kontra-kontra agad. Wala namang umangal sa 13th month pay, hindi ba. ‘Yong 14th month, hindi lang sa private sector, may nagbibigay naman talaga. Ngayon, meron akong exemption sa batas, basahin muna nila bago sila umangal,” pahayag ni Sotto sa DWIZ.

Inamin ni Sotto na may ilang kompanya ang hindi maisasama o mae-exempt  sa panukalang batas kung mapatutunayan sa kanilang declaration of income sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na hindi nila kayang magbigay ng 14th month pay sa mga manggagawa.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2, ang lahat ng rank-and-file employees, anuman ang kanyang employment status at designation ay makatatanggap ng 14th month pay bawat taon o katumbas ng kanyang buwanang sahod.

Ang 14th month pay ay dapat ibigay ng  hindi lagpas ng Disyembre 24.

Agad namang inalmahan ng grupo ng mga negosyante ang  14th month pay sa pribadong empleyado dahil  sa halip na makatulong ay magiging sanhi pa  upang mawalan ng trabaho ang mga ito.

Ayon sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), hindi kakayanin ng maliliit na negosyo ang dag­dag na gastos na maaaring ma­ka­apekto nang malaki sa larangan ng paggawa.

Comments are closed.