UMAPELA kay Pangulong Rodrigo Duterte ang isang ranking official ng Mababang Kapulungan ng Kongreso at hiniling na maisama rin sa mga makatatanggap ng 14th month pay ang nasa 660,000 job order at contracts of service personnel, na tinatawag ding ‘endo personnel’ ng pamahalaan.
Bukod dito, hinimok ni House Deputy Majority Leader at partylist KABAYAN Rep. Ron Salo ang Palasyo ng Malakanyang na bigyan-pansin ang umiiral na ‘plantilla system’ upang bago magtapos ang termino ni Presidente Duterte sa 2022 ay makalikha ng mga bagong regular plantilla position sa gobyerno at matulungan ang mga kuwalipikado sa ‘endo government personnel’.
“Also, it’s about time to take a serious look at the current plantilla system, so that by 2022 or sooner, new regular plantilla positions can be created and the qualified among the 660,000 job order and contracts of service personnel will get to vie for those new posts,” pahayag pa ng partylist solon, na miyembro rin ng House Committee on Good Government and Public Accountability.
Sa nakaraang pagdinig ng Kamara para sa panukalang 2019 budget ng Civil Service Commission (CSC), na nagkakahalaga ng P1.6 billion, nabatid na sa ilalim ng Executive Order no. 201 Series of 2016, ay ipinatutupad na ang pagbibigay ng 14th month pay sa mga kawani ng pamahalaan.
Subalit, aminado si CSC Chairperson Alicia Dela Rosa-Bala na sa naturang kautusan ay hindi kabilang sa nabibigyan ng 14th month pay ang government personnel na nasa ilalim ng ‘job order’ at ‘contract of service’ bagama’t naniniwala at sinusuportahan naman niya umano ang panawagan na ang lahat ng mga nagtatrabaho sa gobyerno ay nararapat na tumanggap ng nabanggit na benepisyo.
Ayon kay Salo, sa kabuuang 2.42 million state workers, nasa 27 porsyento lamang nito o bilang na 660,000 ang tinatawag na ‘endo government personnel’, na mayroong pagkakataon na mas mabigat pa ang trabaho o responsibilidad na pinapasan sa pagseserbisyo sa taumbayan kumpara sa ibang kawani ng pamahalaan.
Sinabi rin ni Salo na hindi dapat madehado nang husto ang ‘endo personnel’ sa government sector sa pagtanggap ng benepisyo lalo’t hindi naman din sila saklaw ng Salary Standardization Law o kadalasan ay mas mababa ang suweldo na naibibigay sa kanila.
Dagdag pa niya, kung ang dati’y pinapangarap lamang na ‘free college education’ at ang napipintong pagpapatupad ng ‘universal health coverage’ ay nabigyang katuparan ni Pangulong Duterte, hindi rin imposible na ang lahat ng taga-gobyerno ay magkaroon ng pantay-pantay na benepisyo maging sila man ay regular, contractual, job order o contract of service personnel.
Kaya naman umaasa si Salo na ang iniakda ng kanilang partylist organization na House Bill 8095 o ang “14th Monthy Pay Law” ay ganap nang maaprubahan kung saan hindi lamang mga state worker ang makikinabang kundi maging ang mga nasa pribadong sektor ng paggawa. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.