IKOKONSULTA ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang economic managers ang panukalang batas ni Senate President Vicente Sotto III na obligahin ang mga private employer na bigyan ng 14th month pay ang kanilang mga empleyado.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, sa ngayon ay hindi pa nababanggit ni Pangulong Duterte ang kanyang posisyon sa Senate Bill 2 na nakabimbin sa Senate labor committee magmula pa noong Hulyo 2016.
“I’m sure he will consult again his economic team and we will communicate with you the position of the President on the proposed 14th month pay,” wika ni Roque.
Nakapaloob sa panukalang batas na ang 13th month pay ay dapat ibigay ng mga employer bago ang Hunyo 15 habang ang 14th month pay ay bago o sa mismong ika-24 ng Disyembre.
Umaasa ang mga labor group na maipasa ang nasabing panukalang batas para makatulong sa mga manggagawa sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Muling binuhay ni Sotto ang kanyang isinusulong na panukalang batas na nagkakaloob ng 14th month pay sa mga empleyado sa pribadong sektor sa harap ng patuloy na pagsipa ng presyo ng bilihin.
Ayon kay Sotto, ang huling P10 dagdag sa sahod ng mga manggagawa ay hindi sapat para matugunan ang kanilang mga pang-araw-araw na pangangailangan.
Comments are closed.