INIHAIN na sa Kamara ang panukala para sa pag-oobliga sa mga employer na magbigay ng 14th month pay sa mga empleyado, pribado man o pampublikong sektor.
Sa House Bill 8095 na inihain nina Kabayan Reps. Ron Salo at Ciriaco Calalang, itinatakda na katumbas ng isang buwang suweldo ang 14th month pay na ibibigay sa mga empleyado sa public at private sector.
Ibibigay ang 14th month pay bago ang Nobyembre 30 para panggastos sa kapaskuhan.
Ayon sa mga kongresista, makatutulong ng malaki ang 14th month pay para sa iba pang gastusin ng pamilya dahil kadalasang kinakapos pa rin ang isang pamilyang nakatatanggap lang ng 13th month pay.
Sakaling maging ganap na batas, ang 14th month pay ay ibibigay sa lahat ng manggagawa, anuman ang kanilang status sa trabaho, permanente man o casual, contractual, co-terminus o naka-job order lamang.
Nakasaad din sa panukala na ang mga pensiyonado ng SSS at GSIS ay mabibigyan din ng 13th month at 14th month benefits. CONDE BATAC
Comments are closed.