MULING inihain sa Kamara ang panukala na bigyan ng 14th month pay ang mga empleyado sa gobyerno at pribadong sektor anuman ang status ng kanilang employment.
Sa House Bill No. 6198 ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap, itatakda ang pagbibigay sa mga empleyado ng 13th month pay na hindi lalagpas sa ika-31 ng Mayo at ang 14th month pay naman na hindi lalagpas sa ika-15 ng Nobyembre.
Giit ni Yap, hindi sapat ang suweldo at ang 13th month pay lang para tustusan ang mga pangangailangan ng manggagawang Filipino.
Aniya, tuwing Pasko ay maraming gastos kaya agad ding nauubos ang 13th month na natatanggap ng mga manggagawa at walang natitira sa ibang bayarin sa ibang buwan gaya na lamang ng matrikula.
Iginiit ng kongresista na kailangang maipasa ang panukala para matiyak na tatanggap ang bawat mang-gagawa ng well-deserved nilang bonus. CONDE BATAC