14TH MONTH PAY SINIMULAN NANG TALAKAYIN NG DOLE

Sec-Silvestre-Bello-III

NAGSIMULA  na ang konsultasyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa panukalang 14th month pay para sa mga empleyado ng pribadong sektor.

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na  partikular na inaalam nila ang magiging epekto ng panukala sa negosyo at ekonomiya ng bansa.

Ang 14th month pay bill ay nakabinbin pa sa Se­nado mula noong Hulyo 16 subalit nabuhay ito dahil sa mataas na inflation rate.

Sinabi ni Bello, na alam nilang malaking tulong ito para sa mga manggagawa subalit kailangan din nilang ikonsidera ang marami pang bagay bago ito sang-ayunan.

Samantala, dahil sa pagtaas ng mga bilihin ay muling nanawagan sa gobyerno ang Kilusang Mayo Uno (KMU) na magkaloob ng agarang tulong sa mga manggagawang Filipino sa pamamagitan ng pagsasabatas sa National Minimum Wage P750 bill.

Pinababasura rin ng mga ito ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) law.

“It is the poor, majority of whom are minimum wage earners, who are suffering the brunt of spiking prices of basic commodities,”  pahayag ni  KMU secretary-general Jerome Adonis.

Iniulat na tumaas sa 5.7% ang inflation nitong Hul­yo, ang pinakamataas  sa limang taon at mahigit pa sa doble  sa 2.4%  noong nakaraang taon sa kaparehong panahon.

Comments are closed.