15-AGE LIMIT SA MGA TRAK INAPELA

truck driver

HINILING ng mga mambabatas sa Department of Transportation (DOTr) na bigyang konsiderasyon ang mga truck na may edad nang 15-anyos at suspendihin ang order sa pagpapatupad ng 15-year age limit sa mga commercial truck.

Sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development kamakailan, inaprubahan ng mga mambabatas sa pangunguna ni Quezon City Rep. Winston ‘Winnie’ Castelo ang mosyon upang pigilan ang nasabing order na ayon sa kanila ay  ‘baseless’ at  ‘unfair’.

Aniya, walang basehan ang order dahil hindi nito maipaliwanag kung bakit 15 taon ang itinalagang limit sa edad ng mga trak. “Why 15 years? Why not 10 or 20 years? The order doesn’t give any explanation,” tanong ni Castelo.

Ayon kay Castelo na pinuno ng naturang kumite, hindi rin patas ang kautusan para sa mga trucking company na sumuporta sa Motor Vehicle Inspection System (MVIS) na hanggang ngayon ay nakabinbin pa sa DOTr  kahit pa nilaanan na ito ng pondo ng mga mambabatas upang maisulong ang kampanya para sa road worthiness ng mga sasakyan.

Sa halip na magpatupad ng age limit sa mga trak, sinabi ni Castelo na mas dapat bilhin na lamang ng DOTr  ang MVIS na siyang makakapagturo sa mga dispalinghadong sasakyan.

Samantala, napagsabihan naman ang mga shipping companies na alisin na ang mga ‘detention charges’ laban sa mga kumpanya ng trak.

Sa parehong pagdinig, sinabi ni Castelo na hindi kasalanan ng mga trucking company ang kakulangan sa mga container yard na dapat sana ay dinadagdagan ng mga shipping company.

Ipinapataw ng mga shipping company ang detention charges kapag hindi naibabalik ng mga trucking firm ang mga container van sa container yard na kadalasan ay puno na. Dahil dito, patuloy ang sigalot sa pagitan ng dalawang partido.

Sinabi ni Gerard Ignacio, senior consultant ng nasabing kumite, kailangang maayos ang hindi pagka-kasunduan ng mga trucking firm at shipping company dahil kung hindi ay magkakaroon ito ng masa-mang epekto sa ekonomiya. PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.