AMINADO si COVID-19 Response Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na kulang ang 15 araw na modified enhanced community quarantine (MECQ) para pigilan ang pagkalat ng virus.
Gayunman, pinagsisikapan nila na magbunga ang mga binuo nilang strategies para mapababa ang mga bagong kaso at hindi na tumaas pa ang bilang ng namamatay sa COVID-19.
Ayon kay Galvez, ginagamit nila ang panahon ng MECQ upang isa-isang bisitahin at turuan ang mga local government unit (LGU) at health officials kung paano dapat ipatupad ang localized lockdowns at zoning.
Una nang ibinalik sa MECQ ang National Capital Region (NCR), Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal bilang tugon sa panawagan ng health workers dahil sa napupuno na ang mga ospital.
Samantala, kukuha ng dagdag na healthcare workers ang Department of Health (DOH) sa 14-araw na modified enhanced community quarantine (MECQ) na kasalukuyang ipinatutupad sa Metro Manila at ilan pang lalawigan, upang tumulong sa kanila sa paglaban sa patuloy na kumakalat na coronavirus disease 2019.
“We are in need of almost 10,000 health care workers. This means the call [for a] timeout really means substitution,” pahayag ni Health Undersecretary Leopoldo Vega sa isinagawang launching ng One Hospital Command kahapon.
Idinaraing ng medical community ang pagdami ng mga dinadapuan ng virus dahil sa pinaluwag na community quarantines at maging mga healthcare workers ay nahahawa na rin.
Batay sa datos, hanggang Agosto 4 lamang ay umabot na sa mahigit 5,000 healthcare workers ang naitalang infected ng COVID-19.
Tiniyak naman ni Vega na hindi sila susuko sa laban at sa halip ay maghahanap ng mga bagong recruits na tutulong sa kanila.
Nabatid na hanggang Agosto 2, nakapag-hire na ang pamahalaan ng may 6,510 health workers, mula sa 9,365 aprubadong slots para sa emergency hiring ng may 340 health facilities sa bansa. DWIZ882 (may dagdag na ulat ni Ana Rosario Hernandez)
Comments are closed.