15 BAGONG KASO NG COVID-19 POGO WORKERS

INIHAYAG ng lokal na pamahalaan ng Parañaque na ang 15 naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa Barangay Tambo ay pawang mga Chinese nationals na nagtatrabaho sa industriya ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ang lahat ng POGO workers na may kumpirmadong kaso ay iniulat na mga asymptomatic at mga fully vaccinated na laban sa COVID-19 na agad na dinala sa isolation facility sa lungsod para magamot ang mga ito.

Base sa datos ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ay nakapagtala ang lungsod nitong Abril 18 ng 17 bagong kaso na sa ngayon ay mayroon nang 18 aktibong cases ng COVID-19 sa lungsod.

Sa kabila ng bahagyang pagtaas ng bilang ng kaso ng virus ay nananatili pa ring COVID-19 free ang 13 komunidad sa lungsod.

Bukod sa Barangay Tambo na mayroong pinakamataas na bilang na 15 aktibong kaso ng COVID-19, ang mga barangay ng BF Homes at San Martin de Porres ay parehong may tig-isang aktibong kaso pati na rin ang hindi alam kung anong barangay na may isa ring kaso ng virus.

Napag-alaman din sa lokal na pamahalaan na patuloy ang pagpapatupad nila ng Prevent, Detect, Isolation, Treat, Reintegration (PDITR).

Nanawagan din ang lokal na pamahalaan sa mga residente na ipagpatuloy din ang pagsunod sa pagpapatupad ng mga basic health protocols dahil sa banta ng posibleng muling pataas ng kaso ng COVID-19 sa kalagitnaan ng Mayo. MARIVIC FERNANDEZ