15 BAYAN SA CAVITE BINIGYAN NG SGLG NG DILG

INANUNSYO na ng Department of Interior and Local Goverment (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na bibigyan ng parangal para sa Seal of Good Local Governance (SGLG) or Pagkilala sa Katapatan at Kahusa­yan ng Pamahalaang Lokal.

Labing-limang ba­yan mula sa Cavite ang kinilala dahil sa kanilang pagtataguyod ng pamahalaang transparent, accountable, at responsive sa kanilang mga mamamayan.

Kabilang dito ang Bacoor City, Carmona, Cavite City, Dasmariñas, Gen. Trias, Imus, Tagaytay, Trece Martires, Alfonso, Gen. Mariano Alvarez, Indang, Magallanes, Maragondon, Mendez-Nuñez at Rosario.

Ang Seal of Good Local Governance (SGLG) ay naglalayong paigtingin ang tapat at mahusay na pagganap ng mga tungkulin. Ito ay isa sa mga programang kinilala bilang commitment ng Pilipinas sa Open Goverment Partnership (OGP).

Magugunitang taong 2014 ng unang inilunsad ang SGLG.

SID SAMANIEGO