LABINLIMA sa 16 na barangays sa Parañaque ang idineklara na ng lokal na pamahalaan na mga drug-free barangay sa lungsod.
Ito ay napag-alaman matapos ianunsyo sa regular na flag raising ceremony na ginanap sa city hall quadrangle na pinamunuan naman ng City Veterinary Office (CHO) bilang punong abala nitong Lunes.
Pinasalamatan din ng lokal na pamahalaan ang mga barangay chairman na sumasakop sa 15 komunidad dahil sa kanilang matagumpay na pakikipaglaban sa pagpigil ng ilegal na droga sa kani-kanilang mga lugar na nasasakupan.
Naging katuwang ng 15 barangay chairmen sa laban ng pagpigil ng ilegal na droga sa ang lokal na pulisya gayundin ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na walang humpay na tumulong sa kanila upang masugpo ang pagkalat ng ilegal na droga sa kanilang mga lugar na nasasakupan.
Malaki ang naitulong ng PDEA sa lokal na pamahalaan sa panghuhuli ng mga suspects sa kanilang ilegal na transaksyon sa droga na kalimitang nagaganap sa kahabaan ng Macapagal Avenue malapit sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Kasabay nito ay hinamon din ng lokal na pamahalaan ang barangay chairman sa patuloy na pagkakaroon ng problema sa droga ang kanyang pinamumunuang lugar na magtrabaho ng husto upang maging drug-free na rin ang kanyang barangay.
Target ng lokal na pamahalaan na wala nang maglilipana pang ilegal na droga sa 16 na komunidad sa lungsod upang maging drug-free city na ang Parañaque sa buong Metro Manila. MARIVIC
FERNANDEZ