15 HUMAN TRAFFICKING VICTIMS NASAGIP

TAWI-TAWI- LABINLIMANG biktima ng human trafficking ang nasagip ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command sa bayan ng Bongao sa lalawigang ito.

Ayon sa AFP ESTMINCOM kabilang sa mga nasagip ay sampung babae at limang lalaki na bago na-rescue ang mga biktima nitong Pebrero 9 at 10.

Nakasakay ang mga biktima sa dalawang water vessel at ibibiyahe sana sa mga bayan ng Papar at Semporna sa Sabah mula sa Bongao.

Ayon sa militar, sasamahan umano ang mga ito ng dalawang indibidwal na kinilalang sina “Gina” at “Marvin”.

Ang dalawa umano ang magpoproseso ng mga papeles ng mga biktima para makapagtrabaho sa isang poultry farm sa Papar na pagmamay-ari ng isang Wei Chang at sa isang palm oil plantation sa Semporna na pagmamay-ari ng isang Kikil Binti Muhaddan.

Dahil dito, inatasan ni Lt. Gen. Roy Galido, Commander ng Western Mindanao Command, ang kanyang mga tauhan na maging vigilant at pinaalalahanan ang mga TIP victims na huwag magpalinlang at magpadala sa mga magagandang pangako.

“Be reminded that we cannot travel abroad without appropriate documents and legal processes,” paalala pa ni Lt. Gen. Galido sa mga nasagip na inutos niyang madala sa DSWD. VERLIN RUIZ