LABINGLIMA katao ang sinundo ng Philippine Navy sa Sabah Malaysia matapos silang ma-rescue ng Malaysia authorities nang masira ang kanilang sinasakayan at napadpad sa naturang bansa.
Sa ulat na ibinahagi ng Philippine Navy,15 katao mula lalawigan ng Tawi Tawi ang nagpadpad sa Malaysia kung saan pito rito ay tauhan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at walo naman ang tripulante ng lantsa.
Patungo umano ng Turtle island , Taganak ang mga sakay ng motor launch mula Bongao nang masira ang makina ng lantsa nitong Enero 6 at tangayin sila ng malalaking alon patungong Bukit, Lawa-Lawa, Sabah,ayon sa Navy
Nang mabatid ng Philippine Navy ang insidente ay agad na nagkasa ng rescue operation ang Maritime Coordinating Center Tawi-Tawi ng Joint Task Force INDOMALPHI at Naval Task Group Tawi-Tawi, kasama ang kanilang Malaysian counterparts sa Tawau, Malaysia.
Pormal na isinalin ng Malaysian authorities ang kostudiya ng 15 Pinoy sa Philippine authorities sa pangunguna ni Col. Nestor Narag nitong Enero 10 sa may hangganan at katubigan na sakop ng Sabah.
Mula Malaysian Coast Guard vessel ay isinakay ang mga nasagip sa Philippine Navy.
Nang sumunod na araw ay pinangunahan ni Narag ang handover ng nabangit na 15 katao sa provincial at municipal government officials ng Tawi-Tawi sa formal ceremony na ginanap sa Toong Hall, Marine Barracks Domingo Deluana, 2nd Marine Brigade sa Bongao’s Barangay Sanga-Sanga. VERLIN RUIZ