15 LAPTOPS NA ISINANLA NG DTI EMPLOYEE NABAWI

Laptops

MAKATI CITY – LABINLIMANG yunit ng laptop na naka-isyu sa Department of Trade and Industry (DTI) na ninakaw noong nakaraang Hulyo 15 ng isa nilang empleyado ang nabawi kamakalawa ng gabi matapos na ito ay isangla sa isang pawnshop sa lungsod na ito.

Ayon sa pulisya, ang mga naturang laptop ay isinangla sa Barangay Guadalupe, sa halagang P299,500 ni Prudencio Moralda.

Ayon sa pahayag ni Maj. Gideon Ines Deputy Chief for Investigation ng Makati City Police na sa nasabing petsa, ang Information Analyst ng DTI na nakilalang si Marissa Rubio ay ipinagbigay-alam sa kanilang tanggapan ang pagkakawala ng 15 yunit ng laptop ng kanilang ahensya.

Ayon kay Ines, na base sa kanilang isinagawang imbestigasyon, nakita nila sa closed-circuit television (CCTV) na naka-install sa computer room ay nakitang papalabas ng naturang kuwarto si Moralda dala-dala ang mga naturang laptop.

Inamin ni Moralda sa pulisya na ang mga naturang laptop ay kanyang isinangla sa nasabing pawnshop.

Sa isinagawang follow-up ng pulisya ay natagpuan ang mga laptop na nakatago sa ikalawang palapag ng pawnshop.

Noong Agosto 6 ay nagpadala ng sulat ang pulisya sa may-ari ng pawnshop at sinabihan itong kailangang ibalik ang mga nakaw na laptop ng DTI at sila ay mahaharap sa kasong anti-fencing law. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.