15 PINOY MULA LEBANON BALIK-PINAS SA OKT. 3

LABINLIMANG Pinoy mula Lebanon ang darating sa Oktubre 3, ang latest batch na nag-avail ng repatriation, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Sinabi ni DMW Undersecretary Fely Bay na ang mga repatriate ay orihinal na nakatakdang umuwi noong Set. 26 subalit naantala dahil sa suspensiyon ng flights.

“The Migrant Workers Office said that the repatriation will be rescheduled or has been reset for October 2, so darating po iyong mga kababayan natin (our citizens will arrive), barring unforeseen circumstances, October 3,” aniya.

Ayon kay Bay, hindi bababa sa 1,100 Pilipino ang nagpalista para sa voluntary repatriation makaraang isailalim ang Lebanon sa Alert Level 3 dahil sa umiigting na tensiyon sa pagitan ng Hezbollah militant group at ng Israel.

Mula October 2023 hanggang Set. 19 ngayong taon, kabuuang 430 Pinoy na ang umuwi, kapwa mga residente at manggagawa.

Sa datos ng pamahalaan, humigit-kumulang 11,000 Pilipino ang nasa Lebanon.

Hinikayat ni Bay ang mga Pilipino na makinig sa panawagan ng gobyerno para sa kanilang kaligtasan.

“This is a call for all Filipinos, not only for OFWs (overseas Filipino workers), but for all Filipinos in Lebanon to heed the call of government for voluntary repatriation,” aniya.

Sa kanilang pagdating, sinabi ni Bay na ang mga naunang repatriate ay tumanggap ng cash assistance na tig-P75,000 mula sa DMW at sa Overseas Workers Welfare Administration ( OWWA).

“So, iyan po ay maaaring panimula sa kung anumang negosyo ang kanilang maibigan. At the same time, mayroon din po tayong assistance provided by the different offices,” ani Bay.

Noong Biyernes ay pinaalalahanan ng Philippine Embassy sa Lebanon ang mga Pinoy na manatiling mapagbantay at umiwas sa southern suburbs ng Beirut at sa iba pang dating binanggit na mga lugar sa mga naunang advisories.

“The Embassy reiterates the importance of considering departure from the country, especially for undocumented Filipino nationals, as this involves coordinating with Lebanese authorities to secure an exit clearance,” pahayag ng embahada sa isang post sa Facebook.

Iniulat ng Anadolu news agency noong Sabado na plano ng Lebanon’s Health Ministry na ilikas ang mga ospital sa southern Beirut sa gitna ng pag-igting ng Israeli airstrikes sa rehiyon.

Sa isang statement, hinikayat ng ministry ang mga ospital sa Beirut, Mount Lebanon, at iba pang hindi apektadong lugar na suspendihin ang non-urgent cases hanggang sa katapusan ng linggo upang ma-accommodate ang mga pasyente mula sa southern suburbs.

Ang evacuation ay matapos targetin ng mahigit 40 Israeli airstrikes ang neighborhoods tulad ng Burj al-Barajneh, Kafaat, Choueifat, Hadath, at Lailaki.