CAVITE – UMABOT sa 150 kabahayan na pawang gawa sa light materials ang nilamon ng apoy sa naganap na malawakang sunog sa Brgy. 10A, Cavite City sa lalawigang ito kahapon ng madaling araw.
Sa inisyal na ulat, lumilitaw na bandang alas-4:45 ng madaling araw nang magsimula ang sunog na itinaas sa 1st alarm hanggang sa umabot sa 3rd alarm dahil sa patuloy na gumagapang ang apoy patungo sa magkakadikit na bahay.
Bandang ala-6:42 ng umaga ay idineklarang under control ang sunog matapos rumesponde ang 20 fire trucks ng BFP, 22 fire trucks ng fire volunteers mula sa iba’t ibang lungsod at bayan at 7 barangay fire brigades.
Ayon pa sa ulat, wala naman namatay o nasugatan sa naganap na sunog habang patuloy ang imbestigasyon kung saan nagsimula ang apoy at kasalukuyang inaalam ang halaga ng natupok na ari-arian. MARIO BASCO