150 DISTRESSED OFWs MULA UAE NASA BANSA NA

OFW

NAKABALIK na ng Filipinas ang mahigit 150 Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa United Arab Emirates (UAE) kahapon ng umaga.

Sa ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA), umabot na sa kabuuang 158 distressed OFWs  ang umuwi ng Filipinas dahil walang tamang travel documents.

Nabatid na 74 OFWs  ang galing sa Abu Dhabi habang nasa  84 naman ang nagmula sa Dubai.

Personal na sinalubong ni Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Sarah Lou Arriola ang mga OFW sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

At muling pinaalala ng DFA sa mga Filipino na huwag gamitin ang tourist o visit visa sa paghahanap ng trabaho sa ibang bansa.

Paliwanag pa ng ahensiya, mas delikado ang mga OFW na walang tamang employment document sa pangmamaltrato ng mga employer.

Gayundin, inihayag ng DFA na sagot na nila ang maintenance at operating costs ng government shelters sa Abu Dhabi at Dubai kung saan pansamantalang namalagi ang mga OFW.

Bukod pa rito, inako na rin ng DFA ang exit visas at plane tickets ng mga OFW pauwi ng Filipinas at sa kani-kanilang probinsiya.

Nakatanggap na rin ang mga OFW ng tulong-pinansiyal mula sa gobyerno kasama ang pasalubong package at medical check-up.