NAKAPAGTALA ang Commission on Elections ng halos 150 personalidad na nagsumite ng kandidatura sa pagka-senador para sa May 13, 2019 National and Local Elections (NLE) habang ganito rin naman ang naitalang bilang ng partylist groups na nagpahayag ng kagustuhang lumahok sa halalan.
Sa ikalima at huling araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) kahapon muling dumagsa ang mga last minute filer sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) upang maghain ng kani-kanilang kandidatura.
Kabilang sa mga naghain ng COC sa pagka-senador sina Junbert Guigayuma ng Labor Party of the Philippines; Broadcast journalist na si Rodrigo “Jiggy” Manicad; dating senador Ramon Bong Revilla Jr.; 2016 Senatorial aspirant Francis “Tol” Tolentino ng PDP Laban; Ranny Montalban; Atty. Allan Montaño; Jose Sonny Matula ng Labor Party Philippines; Ma. Socorro “Muffet” Manahan ng Partido Federal ng Pilipinas; Marcelino “Mar” Arias, ng Labor Party Philippines; dating Senator Sergio “Serge” Osmeña III; Vector Maliuanag; at Lemicio Roxas at Rosita Imperial, kapwa ng Katipunan ng Demokratikong Pilipino (KDP).
Naghain din ng COC sina Senator Juan Edgardo “Sonny” Angara ng Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) Party; dating Solicitor General Florin “Pilo” Hilbay, ng Aksyon Demokratiko Party; Francisco Naval; Emmanuel Dadulla ng KDP; Gene Nuega; dating Presidential Spokesperson Herminio “Harry” Roque, Jr. ng People’s Reform Party; dating DILG chief Rafael “Raffy” Alunan III, ng Bagumbayan Party; at Atty. Romulo Macalintal.
Nakapaghain na rin ng kandidatura sina dating Senate Pres. Juan Ponce “JPE” Enrile ng Pwersa ng Masang Pilipino; Emmanuel Lopez; Alexander Encarnacion; Salipada Amir-Hussin, at marami pang iba.
Nabatid na sa unang araw ng COC filing ay nasa 27 ang nakapaghain ng COC; 10 naman ang naghain ng COC noong Day 2; 26 noong Day 3 at 41 noong Day 4.
Ang partylist groups na naghain naman ng Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) ay umabot sa 18 noong Day 1; 12 noong Day 2; 40 noong Day 3 at 45 noong Day 4.
Tulad nang inaasahan, pagsapit ng 5:00 ng hapon ay tuluyan nang isinara ng Comelec ang kanilang tanggapan at hindi na tumanggap ng COC filers.
Nanindigan ding muli ang poll body na hindi na palalawigin pa ang panahon para sa paghahain ng COC. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.