150 ‘SMALLER SCALE’ POGOs BINABANTAYAN NG PAOCC

PATULOY na tinututukan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang mahigit 150 “small scale” Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa gitna ng nakaambang shutdown ng mga negos­yong ito sa pagtatapos ng taon.

“Sa ngayon po, mayroon na lang tayong natitira, sa record ng PAGCOR na mga 20 na lang po na hinihintay natin totally magsara, yung kulang-kulang 20,” pahayag ni PAOCC exe­cutive director Gilbert Cruz sa Bagong Pilipinas Ngayon.

“But yung mga tinitignan natin, yung mga mino-monitor natin na mag-o-operate despite the pronouncement ni President, mayroon pa po tayong nasa mahigit na 150 plus pa po,” dagdag nito.

Nagmula ang mas maliliit na POGOs na ito mula sa malalaking kompanya na sinalakay ng mga awtoridad sa gitna ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo na ipagbawal ang mga ito dahil sa mga ulat ng mga ilegal na aktibidad.

“Ito yung mga sinasabi nating nanggaling sa mga malaking POGOhan, ito po ay nag-turn into smaller scale POGO operations. Yung ibang lumipat dun sa mga maliliit na resorts, condominiums, sa mga gated houses, ayun pa yung ibang tinitignan pa natin,” pahayag ni Cruz.

Nauna nang inatasan ni PBBM ang mga awtoridad na maglunsad ng mas maliliit subalit ma­raming operasyon laban sa POGOs na patuloy na nagsasagawa ng operas­yon sa bansa sa gitna ng total ban.

Sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo, inanunsyo ni Marcos ang pagbabawal sa POGOs matapos maugnay ang mga ito sa mga krimen.

EVELYN GARCIA