(150 sundalo makikipagpatintero sa pasaway) HARD LOCKDOWN SA SAMPALOC, MANILA NGAYON

Manila

UPANG makontrol ang mga pasaway sa enhanced community quarantine (ECQ), isinailalim na sa hard lockdown ang Sampaloc District sa Maynila na simula ngayong araw, Abril 23.

Ayon kay AFP-Joint Task Force-NCR Commander, BGen. Alex Luna, 150 sundalo ang kukurdon sa nasabing distrito ng Maynila upang matiyak na makontrol ang mga lumalabang sa ECQ.

Karaniwang paglabag ng ginagawa ng mga pasaway ay lumabas ng bahay kahit hindi naman sila frontliner o essentials, hindi nagsusuot ng face mask at tumatambay sa labas ng bahay.

Tiniyak naman ni Luna na may koordinasyon sila ni Manila Police District Director, BGen. Rolando Miranda para sa pagkukurdon sa Sampaloc.

Paglilinaw naman ni Luna na support lamang sila ng MPD at pulisya pa rin ang naka-front sa mga tao bilang law sa enforcer.

Nanawagan din ito sa publiko na upang hindi maaresto sa paglabag sa ECQ ay sumunod na lamang sa protocol at manatili sa bahay.

Ang pagsasailalim ng ECQ sa buong Luzon ay paraan ng pamahalaan na makontrol ang paglawak ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19).

BATASAN, QUEZON CITY NASA EXTREME ECQ

Isinailalim na rin sa extreme enhanced community quarantine (EECQ) ang Brgy. Batasan sa Quezon City.

Ito ay nang tumaas ang kaso ng COVID-19 sa nasabing barangay ng lungsod kung saan umabot na sa 42 ang kaso ng naturang sakit.

Sa datos ng Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance, umabot na sa 1,067 ang positibo sa COVID-19 sa buong lungsod subalit 11 pa ang bagong gumaling na sa kabuuan ay 103 na habang ang mga nasawi ay 98.

TOTAL LOCKDOWN SA BRGY. LABANGON, CEBU CITY

Samantala, ipinag-utos na rin ni Cebu City Mayor Edgardo Labella ang total lockdown sa Brgy. Labangon nang tamaan ng COVID-19 ang isang residente roon.

Sinabi ni Labangon Brgy. Captain Victor Buendia, kanila nang minomonitor ang kalusugan ng pamilya ng nagpositibo at nagsasagawa ng contact tracing upang mapigilan ang pagkakahawa-hawa ng sakit. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.