BEIRUT – MAKARAANG magkaroon ng problema ang ekonomiya ng Lebanon umaabot na sa 1,500 Filipina domestic helper ang naghihintay ng go signal para makauwi na sa Filipinas.
Ayon kay Migrant and Recruitment Consultant Manny Geslani, ang nasabing bilang ng OFW ay sumang-ayon sa repatriation ng pamahalaan ngunit kinakailangang magbayad ang bawat isa sa kanila ng halagang $200 bilang penalty sa pagtatrabaho sa natur-ang bansa ng walang working permit.
Napag-alaman na lahat ng mga ito ay undocumented at nakapagtrabaho sa loob ng mahabang panahon sa Lebanon nang walang mga papeles.
Batay sa record nasa 34,000 ang bilang ng mga documented OFW sa Lebanon, ngunit mas marami ang mga undocumented na umabot sa 50,000 na ipinadala ng illegal recruitment syndicates mula 2006 hanggang 2019.
Ito ay sinamantala ng mga illegal recruiter magpadala ng libo-libong OFW dahil sa high demand ng Filipina maids sa Lebanon.
Ipinag-utos ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin sa pamunuan ng Philippine consulate sa Lebanon na gumawa ng paraan para sa pagpapauwi ng mga Pinay sa Filipinas.
Kaugnay nito, inaasahan ng pamahalaan na dagdagsa ang marami pang mga OFW partikular ang mga overstaying sa isinasagawang repatriation para makauwi ng libre sa bansa.
Sa kasalukuyan, nakaranas ang Lebanon ng economic crisis kung saan bumagsak ang value ng kanilang pera laban sa dolyar na umabot ng 60 percent ang ibinagsak. FROILAN MORALLOS
Comments are closed.