MAHIGIT 15,000 evacuees naman sa Pangasinan ng nananatili sa sa iba’t ibang evacuation centers dahil sa epekto ng bagyong Ompong.
Batay sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, galing ang mga inilikas mula sa bayan ng Bani, Bolinao, Calasiao, San Fabian, Lingayen, Urbiztondo, Balungao, Infanta, Sual, Bugallon, Mabini, Aguilar, Malasique, Mangatarem, Bayambang, Anda, Mapandan, Sison, at Mangaldan.
May evacuees din mula sa mga lungsod ng Dagupan, Alaminos, Urdaneta, at San Carlos City.
LIVE WIRE LUMAYLAY SA BULACAN
Nahintakutan naman ang residente sa Purok 1, Brgy. San Roque, San Rafael, Bulacan nang lumaylay ang kawad ng koryente sa isang liblib na kalsada patungo sa Pulong Bayabas na nabaha rin.
Dahil liblib na pook, sa pamamagitan ng social media ay pinaalalahanan ng mga residente na daraan sa lugar na iwasan ang nasabing kalsada.
PUNO NAGKANDABUWAL
Sa Baliuag, Bulacan, naitala naman ang pagkabuwal ng dambuhalang puno sa Brgy. Piel na agad namang iniaalis ng mga opisyal doon.
Nahintakutan naman ang mga residenteng nagsilikas sa Tuguegarao City sa Cagayan dahil marami sa bahay ay nawalan ng bubong habang kabi-kabila ring puno ang nabuwal.
Bukod sa nabanggit, naitala rin ang mataas na baha kung saan lubog ang mga pananim at habang isinusulat ang balitang ito ay malakas pa rin ang hangin.
Habang sa Laoag, Ilocos Norte ay naging matindi ang ihip ng hangin dahilan upang magmistulang ghost town ang lugar.
Marami ring tahanan ang nawalan ng bubong sa lugar.
BROWNOUT, CELLPHONE SIGNAL BAGSAK
Sa Tuguegarao City pa rin, naitala ang kawalan ng supply ng koryente habang bumagsak din ang signal ng telcos partikular sa cellphone.
Samantala, nagbabala ang Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pagasa) na bagaman nakalabas na ng PAR ang bagyo, huwag munang pakampante dahil asahan pa rin ang matinding pag-ulan.
May dagdag na ulat mula kay VERLIN RUIZ
Comments are closed.