CAMP AGUINALDO– WINASAK ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kahapon ang may 1,561 mga baril at 55,730 magazine assemblies para sa iba’t ibang uri ng baril sa layuning masupil ang paglaganap ng ilegal at loose firearms sa bansa.
Ayon kay AFP Public Information Office chief Navy Captain Jonathan Zata ang mga sinirang baril ay naipon mula sa mga nahuli, nakumpiska sa military operations, isinuko ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) at lawless elements sa buong Luzon simula taong 2016.
“This program will significantly reduce the number of unserviceable CCSR (captured, confiscated, surrendered, and recovered) firearms and eventually dispose all unofficial and dilapidated weapons in the inventory of the AFP,” pahayag naman ni AFP Vice Chief of Staff Vice Admiral Gaudencio Collado Jr. sa kanyang inilabas na statement na binasa ni Major General Erickson Gloria, the deputy chief of staff.
Ang ceremonial demilitarization ng mga sandata ay bahagi ng 12th Founding Anniversary ng AFP Munitions Control Center (MCC), isang unit na pangunahing naatasang magsagawa ng accounting and destruction ng CCSR firearms and magazines, na napatunayang non-standard, obso-lete, at beyond economical repair.
Tumutulong din ito sa mga AFP unit na suriin at panatilihin ang kanilang mga sandata at tiyakin na maaring pang magamit at makumpuni ang mga sandatang inisyu sa kanila.
Nabatid na ang winasak na CCSR firearms at accessories ay dumaan muna sa masusing proseso ng identification and verification.
Ang mga sandatang ginagamit bilang ebidensiya sa korte at hindi rin saklaw ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program ay hindi muna wawasakin at ibibigay sa proper authorities.
Ang mga baril na may buradong serial numbers ay sasailalim sa identification para madetermina ang mga nagmamay-ari habang ang non-standard items ay wawasakin. VERLIN RUIZ