156M NASERBISYUHAN NG LIBRENG SAKAY

UMAABOT sa 156,759,351 mga mananakay sa buong bansa ang napagserbisyuhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa ilalim ng Service Contracting Program Phase 3, mula Abril hanggang ngayong Hulyo 2022.

Ang Service Contracting Program ay may layuning matulungan ang mga operator at driver na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa COVID-19 pandemic at patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.

Sa pamamagitan ng programa ay babayaran ng gobyerno ang mga kalahok na operator at driver base sa bilang ng biyahe na kanilang itinakbo kada linggo.

Dagdag pa rito, ang mga Healthcare Workers (HCW) at Authorized Persons Outside of Residence (APOR) ay naseserbisyuhan sa pamamagitan ng Libreng Sakay.

Patuloy na naniniwala ang ahensya sa programa dahil malaking tulong ang dagdag na kita nito sa mga operator at driver, gayundin ang pamasaheng matitipid ng mga commuter, upang matustusan ang kanilang pang-araw araw na pa­ngangailangan, lalo ngayong marami tayong mga kababayan ang patuloy na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa COVID-19 pandemic, at patuloy na pagtaas ng gasolina at mga bilihin.

Lubos naman ang pasasalamat ng Department of Transportation (DOTr) at LTFRB sa malasakit at serbisyo na inihahatid ng mga conductor, driver, at operator para sa ating mga commuter.
EVELYN GARCIA