158 ILLEGAL ALIENS NALAMBAT NG BI SA 2021

UMABOT  sa 158 ang bilang ng naarestong mga dayuhan ng Bureau of Immigration (BI) Intelligence agents nitong nakaraang taon 2021 kaugnay sa mga paglabag ng Philippine Immigration Laws.

Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, bukod sa 158 illegal alien, nakahuli rin ang kanyang mga tauhan ng 83 foreign fugitives na nagtatago sa bansa.

Ito ay resulta ng matagumpay na operasyon na isinagawa ng mga kawani ng BI intelligence Division sa ibat-ibang lugar ng kapuluan.

Batay sa rekord, nangunguna ang mga Chinese national sa bilang na 86, sumunod ang 37 Koreans nationals, sampung Nigerians, anim na Indians, apat na Kano, apat na Briton, tatlong Hapones, dalawang Indonesians, tig-iisang Dutch, German, Tunisian, Cambodian, Lebanese at Singaporean.

Ayon pa kay Morente, bumaba ang kanilang naging accomplishment, noong 2021 dahil sa travel restrictions na ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF) on COVID-19.

Bumaba ang incoming foreign nationals dahil limitado ang pinapayagang makapasok sa Pilipinas dulot ng corona virus, dagdag pa ni Morente. Froilan Morallos