158K TOTAL RECOVERIES SA COVID-19

DOH

PUMALO na sa mahigit 158,000 ang bilang ng mga pasyente sa Filipinas na gumaling na mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Batay sa COVID-19 case bulletin #171,  nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng panibagong 464 pasyente na gumaling mula sa virus, sanhi umakyat na ngayon sa 158,012 ang COVID-19 recoveries sa bansa.

Samantala, umakyat naman sa 224,264 ang bilang ng mga pasyenteng dinapuan ng virus, matapos na makapagtala pa ng panibagong 3,483 confirmed cases hanggang 4:00PM nitong Setyembre 1.

“As of 4PM today, September 1, 2020, the Department of Health reports the total number of COVID-19 cases at 224,264,” anang DOH. “A total of 3,483 confirmed cases are reported based on the total tests done by 93 out of 110 current operational labs.”

Nabatid na sa naturang bilang, 62,655 pa ang active cases habang 91.3% ang mild cases, 6.3% ang asymptomatic, 1.0% ang severe at 1.4% ang kritikal.

Pinakamarami pa ring naitalang bagong kaso ng sakit ang National Capital Region (NCR) na nasa 1,824; sumunod ang Laguna na nasa 223; Cavite na nasa 184; Rizal na nasa 161 at Batangas na nasa 126.

Samantala,  39 pasyente pa ang namatay dahil sa sakit hanggang kahapon, kaya’t umaabot na ngayon sa 3,597 ang COVID-19 death toll sa bansa.

Sa naturang bilang ng mga namatay, 34 ang binawian ng buhay nitong Agosto; dalawa nitong Hulyo; isa noong Hunyo at dalawa noong Mayo.

Pinakamaraming naitalang nasawi sa NCR na nasa 18; sumunod ang Region 4A, na may 9 deaths; Region 6 na may limang namatay; habang tig-iisa naman ang nasawi sa Region 7, Region 5, Region 3, Region 2, Region 10, ROF at BARMM.

Samantala, mayroon ding 38 duplicates ang inalis sa total case count at sa naturang bilang, 11 recovered cases ang inalis.

May tatlo ring kaso ang unang iniulat na nakarekober ngunit namatay pala sa karamdaman. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.