MAHIGIT sa 15,000 katao ang inulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Betty sa Pilipinas simula nitong Lunes.
Kabilang dito ang mahigit sa 215 pamilya na inilikas kahapon sanhi ng pag-apaw ng kalapit na ilog dulot ng malakas na pagbuhos ng ulan sdala ng habagat na pinalakas ng Bagyo.
Nabatid na nagsagawa ng preventive evacuation ang mga rescue workers sa Barangay Claudio Salgado, Ilvita at
Tagumpay matapos ang malakas na pag-ulan na dahilan ng pagbaha sa lugar.
Sa datos ng NDRRMC, aabot na sa kabuuang 14,908 na mga indibidwal o may katumbas na 3,821 na mga pamilya na ang apektado ng nasabing bagyo mula sa 94 na mga barangay sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Mimaropa, Western Visayas, at Cordillera Administrative Region.
Sa ngayon ay mayroon na ring 5,981 na mga indibidwal o 1,815 na mga pamilya ang isinailalim sa preemptive evacuation.
Tinatayang nasa P68,695 ang inisyal na ulat ng pinsalang idinulot ng nasabing bagyo sa mga imprastraktura sa CAR habang nasa limang kabahayan naman ang napaulat na nasira sa mga lalawigan ng Ilocos, Central Luzon, at CAR.
Bukod dito, nararanasan din ang ilang power interruptions sa 14 na mga lungsod at munisipalidad sa CAR habang nasa kabuuang 123 domestic flights at 18 international flights naman ang kinansela sa nasabing lalawigan at maging sa Cagayan at National Capital Region.
Suspendido rin ang operasyon ng 72 pantalan sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, at Eastern Visayas, at gayundin ang nasa 313 na mga klase at 99 na mga trabaho sa nasabing mga apektadong lalawigan.
Samantala, iniulat rin ng NDRRMC na umaabot na sa P1,958,008 ang katumbas na halaga ng tulong na naipamahagi na ng mga kinauukulan sa mga biktima ng pananalasa ng bagyong Betty. VERLIN RUIZ