Inilunsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang isang malawak na programa na nagkakahalaga ng P75 milyon, na layuning magbigay ng tulong pinansyal at mga pagkakataon sa pagpapahusay ng kakayahan para sa mahigit 15,000 miyembro ng industriya ng sining, kabilang ang pinansyal na suporta at iba pang mga serbisyo ng pamahalaan.
Ang event na may paksang “Paglinang sa Industriya ng Paglikha” ay ginaganap ngayong Linggo hanggang Lunes sa PhilSports Arena (ULTRA) sa Pasig City, na layuning itaguyod ang mga propesyonal mula sa sektor ng pelikula, telebisyon, teatro, at radyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng iba’t ibang mahalagang serbisyo at benepisyo.
Ang programa ba inisyatiba ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ang pangunahing tagapagtaguyod ng BPSF, na nakapaghatid na ng mga serbisyo at tulong mula sa gobyerno na umaabot na sa halagang higit P10 bilyon sa mahigit 2.5 milyong pamilya sa 24 na lugar sa buong Pilipinas.
“Ang BPSF ay isa sa mga programa ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos na may layuning matulungan ang bawat sektor ng ating lipunan, kabilang ang mga nasa creative industry. Ipinapakita nito na hindi natin nakakalimutan ng pamahalaan ang ating mga manggagawa sa larangan ng sining at media,” ayon sa mensahe ni Speaker Romualdez sa mga benepisyaryo.
Kabilang din sa mga nagpaabot ng kanilang mensahe sa pagtitipon sina Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo, Pasig City Rep. Roman Romulo, Quezon City Rep. Arjo Atayde, Quezon City Rep. Franz Pumaren, Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla, journalist Jing Castañeda at mga kinatawan mula sa Film Academy of the Philippines, Film Development Council of the Philippines, Mowelfund Film Institute at Metro Manila Film Festival.
Ayon kay Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” Gabonada Jr. na ang BPSF para sa industriya ng sining ay nagbahagi ng tig-P5,000 cash aid sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa ilalim ng Ayuda sa Kapos Ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Umaabot naman sa kabuuang 75,000 kilo ng bigas ang ipinamahagi ni Romualdez na kilala sa tawag na “Mr. Rice” para sa 2-day event, kung saan tig-5 kilo ng bigas ang tatanggapin ng bawat benepisyaryo.
Idinagdag ni Gabonada na ang financial assistance program ay bahagi ng mas malawak na layunin ng administrasyon na tulungan ang mga propesyonal na Pilipino sa iba’t ibang sektor.
Bukod sa tulong pinansyal, sinabi ni Gabonada na layunin din ng BPSF na bigyan ng kasanayan at kaalaman ang industriya ng sining sa pamamagitan ng iba’t ibang mga sesyon ng pagsasanay at mga workshop na nakatuon sa industriya.
Ang mga workshop na ito ay dinisenyo upang paunlarin ang kasanayan sa sining, media, at entertainment, na nagpapalakas sa mga kalahok na mag-innovate at magtagumpay sa kanilang mga larangan.
Sa event, 23 ahensya ng gobyerno ang nakilahok sa pagbigay ng access sa mahigit 100 serbisyo ng gobyerno, tulad ng mga permit, lisensya, at serbisyong pangkalusugan, na mahalaga para sa mga propesyonal sa industriya ng sining.