TINATAYANG aabot sa 15 libong trabaho ang mapupunan sa ilulunsad na job fair sa SMX Convention Center sa Pasay City sa darating na Linggo na inaasahang kakailanganin sa dambuhalang “Build, Build, Build” program ng gobyerno.
Target ng nasabing job fair na mapunan ang mga bakanteng posisyon para sa mga nakalinyang proyekto ng gobyerno sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Public Works and Highways Secretary Mark Villar, sari-saring mga trabaho ang naghihintay sa mga aplikante kabilang ang mga posisyon para sa mga inhinyero, project managers, accountants, administrative officers, welders, machine operators, at iba pang laborers.
Kaya’t ang payo ng DPWH sa mga prospective applicant na silipin ang kompletong listahan sa http://build.gov.ph.
Gayundin, target ng gobyerno na mabigyang muli ng trabaho ang mga overseas Filipino workers na umuwi na ng bansa o kaya naman ay nagbabalak nang umuwi.
Ayon kay Villar, dahil mataas ang demand para sa mga trabahong ito ay posibleng mataas din ang i-aalok na sahod.
Nilinaw pa ng kalihim, bagaman magiging bentahe ang may karanasan, hindi naman ito kinakailangan sa lahat ng mga posisyon, lalo na sa mga manggagawa.
“Kung ‘di naman masyadong malaki ‘yung agwat sa suweldo, mas pipiliin pa ng ating mga kababayan na mag-stay na lang. Mas masaya pa rin sa Filipinas,” ani Villar.
Pinayuhan ang mga aplikante na magbitbit ng kanilang mga biodata at maghanda sa posibleng initial interview sa mga contractor kung saan wala namang itinakdang dress code dito, kaya hindi dapat mahiya ang mga naghahanap ng trabaho. VERLIN RUIZ
Comments are closed.