KUKUHA ang gobyerno ng libo-libong uniformed personnel sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa susunod na taon.
Aabot sa kabuuang 15,000 pulis, bumbero at jailguards ang iha-hire ng pamahalaan sa 2019.
Sa datos na isinumite sa House Appropriations Committee, nasa 10,000 bagong Police Officer 1 ang kakailanganin ng Philippine National Police (PNP) sa 2019.
Layunin nito na maibaba ang police to civilian ratio sa 1:504 mula sa kasalukuyang 1:521.
Nasa 2,000 mga bagong Jail Officer 1 ang kukunin sa ilalim ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), habang may 3,000 naman ang iha-hire na bagong Fire Officer 1 ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Bukod sa pagkuha ng mga bagong tauhan ng PNP, BJMP at BFP, plano rin ang pagsasaayos ng mga imprastruktura.
Target ng BFP na makapagpatayo ng 52 fire stations at bumili ng 56 firetrucks, gayundin ng breathing apparatus ng mga bumbero.
Ang PNP ay magpapatayo naman ng dagdag na police stations at bibili ng mga bagong sasakyan, baril, communication equipment at iba pang gamit sa pagpapatuloy ng maigting na kampanya laban sa droga.
Samantala, ang BJMP ay may plano ring magpatayo ng mga bagong kulungan sa iba’t ibang panig ng bansa. CONDE BATAC
Comments are closed.