MAGUINDANAO – DAHIL sa pagod at gutom sumuko sa militar ang 16 na mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Datu Odin Sinsuat.
Nanguna sa sumuko si Kumander Wazire Kumpas na iniharap sa mga mamamahayag sa 6th Infantry (Kampilan) Division Headquarters sa Camp Siongco Awang, bayan ng Datu Odin Sinsuat.
Ayon kay Assistant Division Commander, BGen. Juvy Max Uy, 12 sa mga miyembro ng BIFF ay sumuko sa 33rd Infantry Battalion Philippine Army at apat naman sa 40th IB.
Sinabi ni Kumander Kumpas na pagod na sila sa pakikibaka laban sa puwersa ng gobyerno at gusto nang mamuhay ng mapayapa kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.
Sinaksihan naman nina MILF Minister Atty. Naguib Sinarimbo at mga alkalde mula sa bayan ng General Salipada K. Pendatun at Sultan Sabarongis ang pagsuko ng mga rebelde sa militar.
Dala ng mga rebelde sa kanilang pagsuko ang mga matataas na uri ng armas at mga sangkap sa paggawa ng improvised explosive device (IED).
Agad namang nagpaabot ng tulong ang Bangsamoro Government sa mga sumukong BIFF kagaya ng financial assistance at bigas na inabot mismo ni Minister Sinarimbo. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.