NASAGIP ng mga tauhan ng Philippine National Police ang 16 na kababaihan na biktima ng human trafficking at sex trade habang pitong hinihinalang bugaw at maintainers ang nadakip sa ikinasang operasyon laban sa illegal sex trade sa Calamba City sa Laguna.
Ang entrapment operation ay ikinasa ng Philippine National Police-Women and Children Protection Center (WCPC), madaling araw ng Biyernes sa isang hotel na Getz Inn sa Barangay Lecheria.
Ayon kay Laguna Provincial Director P/Chief Supt. Kirby John Brion Kraft base sa isinumiteng ulat ni Calamba police chief Supt. Joselito Desisto, galing sa iba’t ibang mga lalawigan ang mga babae na may iba’t ibang edad at ginagamit bilang sex workers.
Pinananatili umano sa hotel ang mga babae at doon sila binibigyan ng kliyente. Pitong katao naman ang dinakip ng mga pulis na pawang nasa likod ng sindikato.
Kasalukuyang nakakulong sa PNP headquarters sa Camp Crame ang mga nadakip habang ang mga biktima ay nasa pangangalaga ng WCPC. VERLIN RUIZ
Comments are closed.