(16 katao sugatan) PAGSABOG AT SUNOG SA MALATE PINA-IIMBESTIGAHAN

AGAD na ipinag-utos ni Manila Mayor Honey Lacuna ang isang masusing imbestigasyon sa naganap na pagsa­bog at sunog sa Malate na ikinasugat ng 16 na katao kabilang na ang mga estudyante mula sa Dela Salle University.

Inatasan din ni Lacuna si permits bureau chief Levi Facundo na tingnan ang business permit na iniisyu ng city of Manila sa laundry shop kung saan nagmula ang pagsabog na sinundan ng sunog.

Sinabi ng alkalde na hindi niya inaalis ang posibleng pagkakaroon ng paglabag sa mga itinakdang regulasyon sa operasyon ng ganitong uri ng negosyo.

Iniulat ni Manila Police District Director BGen. Andre Dizon na agad na dumating sa lugar, ang naganap ang pagsa­bog at sunog ay dahil sa tagas sa tangke ng gas na nagresulta sa pagsabog.

Naganap ang insidente dakong alas-7:20 ng gabi nitong Lunes sa 360 Wash Laundry Shop na matatagpuan sa MAC TORRE Residence, No. 2223 F Reyes cor. Noli Streets, Barangay 708, Malate, Manila. Ang gusali ay pag-aari ng isang Macario Torre.

Rumesponde din ang mga tauhan ng Malate Police Station sa pangunguna ni Station Commander Police Lt. Col. Salvador Tangdol at sampung trak ng bumbero ang dumating para apulahin ang sunog at kasalukuyan ng nagsasagawa ng probe si fire investigator SFO4 Edilberto Cruz.

Naapula ang sunog bandang alas-7:29 ng gabi at idineklarang fireout sa ganap na alas-7:34 ng gabi. VERLIN RUIZ