16 LGUs SA BARMM GINAWARAN NG KALASAG AWARDS NG DILG

COTOBATO CITY- LABING-anim na local government units (LGUs) mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang kinilala at pinagkalooban ng Gawad Kalasag award para sa kanilang disaster risk reduction and management initiatives sa panahon ng 22nd National Gawad KALASAG Seal at Special Awards for Excellence in DRRM at Humanitarian Assistance na ginanap sa lalawigang ito kamakailan.

Personal na nagtungo sa Cotabato City si Interior and Local Government Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr. upang makiisa sa awarding rites at igawad ang Gawad Kalasag award sa 16 na LGU na bawat isa ay binigyan ng mga plake ng pagkilala.

“Congratulations to the 16 BARMM LGUs for winning the Gawad KALASAG Award. Ito po ay isang patunay sa husay sa paglilingkod-bayan at DRRM initiatives ng mga pamahalaang lokal. Ipagpatuloy po ninyo ito at pagsumikapang itaas ang antas ng serbisyo publiko dito sa BARMM,” pahayag ni Abalos sa ginanap na awarding ceremony.

Nangunguna sa mga awardees ang Upi, Maguindanao Del Norte sa ilalim ng Beyond Compliant category.

Labinlimang iba pang LGU ang ginawaran sa ilalim ng kategoryang Fully Compliant na kinabibilangan ng Lalawigan ng Maguindanao; Lalawigan ng Basilan; Ampatuan, Datu Abdullah Sangki, Guindulungan, Paglat, South Upi, at Sultan Sa Barongis, pawang mula sa Maguindanao Del Sur; Bubong, Piagapo, at Wao na pawang mula sa Lanao Del Sur; Lamitan City at Tuburan na parehong taga Basilan; Talipao, Sulu; at Parang, Maguindanao Del Norte. EVELYN GARCIA