UMABOT sa 16 katao ang nasawi habang tatlo pa ang nawawala matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Rolly (International name: Goni), pinaka malakas na bagyong naitala ngayon taon nitong nakalipas na Linggo.
Kasunod ito ng ulat na may 300 kabahayan ang natabunan sa Guinobatan, lalawigan ng Albay at pinangangambahang may mga tao nakasamang nalibing sa pagguho.
Sa isinagawang pulong balitaan kahapon ng umaga sa National Disaster Risk Reduction Management Council sa Camp Aguinaldo, inihayag ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na personal na magtutungo si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Camilo pancratius Cascolan sa Bicol upang kumpirmahin ang mga ulat at kung kailangan magsagawa ng search and rescue operation hinggil dito.
Sa facebook photos na ipinaskil ni Rep. Zaldy Co, sinasabing may 300 bahay ang natabunan ng malalaking bato sa Purok 6 at 7, sa San Francisco, Guinobatan, Albay at pinaniniwalaan may mga taong nalibing ng buhay.
Bukod dito, maari pa umanong madagdagan ang nasabing mga bilang dahil hindi pa nagsusumite ang mga nasa lalawigan ng Masbate, Sorsogon, Camarines Sur at Camarines Norte, ayon sa Office of Civil Defense dahil bagsak ang komunikasyon at maraming lugar ang nananatiling walang supply ng koryente.
Sa ulat ng Office of the Civil Defense Region 5, sampung katao ang nasawi sa Albay at anim sa Catanduanes habang tatlong katao ang nawawala sa nasabing rehiyon.
Kinukumpirma rin mula lalawigan ng Batangas na may isang nasawi gayundin sa lalawigan ng Marinduque base sa pahayag ni Gov. Presbitero Velasco Jr. bunsod nang naganap na flash flood.
Umabot din sa halos 400,000 katao ang inilikas kung saan 345,044 ang nananatili sa mga evacuation center samantalang nasa 1,013 na pasahero naman ang na-stranded sa mga pantalan sa Bicol region.
Hinggil naman sa partial assessment ng PNP, 90 porsiyento ng imprastraktura sa lalawigan ng Catanduanes ang winasak ng Super Typhoon Rolly.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Operations LTt. General Cesar Binag, iniutos din ni Cascolan ang pagpapadala ng karagdagang mga tauhan ng PNP sa Bicol Region para tumulong sa search and rescue operations at clearing operations. VERLIN RUIZ
Comments are closed.