16 TAXPAYERS, 8 PA, KINASUHAN NG BIR

Erick Balane Finance Insider

KAMAY na bakal na ang ginamit ng Bureau of Internal Revenue laban sa business at individual taxpayers na patuloy na lumalabag sa mga probisyon ng National Internal Revenue Tax Code (NIRTC) para makapandaya at ‘di pagbabayad ng kaukulang tamang buwis kasunod ng pagbalewala ng mga ito sa mga ­inisyung tax notices para tuparin ang kanilang tax obligations.

Ang mga sinampahan ng kasong tax evasion o criminal complaint sa iba’t ibang korte ay sina: Redentor Quintos, president ng Destiny Fibertech Manufacturing Corporation; Raul Umali, president-chairman, ng Double Scoop Marketing, Incorporated dahil sa paglabag sa Section 255, 253 at 256 matapos mabigong bayaran ang pagkakautang na P274.23 million sa income tax at P190.10 million sa value added tax, P77.60 million at P6.56 million – ayon sa kanilang pagkakasunod.

Ganito ring kasong paglabag sa tax code ang kinakaharap ni Mariequel Rotallas, proprietress ng  Wytex Welding Trade and Consultancy dahil sa pagkabigong bayaran ang tax debt na P13.48 million; Nicolson Co Santos at Josephine Chen – president at treasurer, ayon sa pagkakasunod ng ­Hadrian International Corporation na hinahabol ng BIR sa ‘di pagbabayad ng P3.29 million.

Ang iba pa ay kinabibilangan nina Crisencio Milla, Carmen Milla, Homer Rivera at Maria Feliza Rivera dahil naman sa usapin sa lupa.

Ang mga kompanya namang kinasuhan ay ang Citistar Transport System Corporation, Asia Pacific, Inc., IT City Services, Inc., Mavima Group, Inc., Sparrow Integrated Services Inc., Uniwide Sales Warehouse Club Inc., Wye Marketing Corporation at Yarn Tech Manufacturing Corporation – kasama ang mga corporate officer nitong sina Anthony Raymundo, Rosa Marina Joana Go, Bryan Michael Overcash, Fedeico Ortiz, Christopher Labanda Quintana, Leony Limon, Romero Vinco, Maria Adeinda Rosales, Federico Guzman at Roberto Sarmiento.

Kinasuhan din ng BIR sa korte sina Querubin Dimaano, may-ari ng D’Cube Resto Bar; Wolang Balandan, owner ng JB Meat Sop; at ang traders na sina Florde­liz Fernandez, Marieta Beredo, Jennie Morcilla, Ronnie Laygo at Kat Aranda – mga may-ari ng Manoliza Bamboo Craft, Reymark Special Lambanog, JR Bakery, Top Side Barrel/Bar Grill at Wonderlab Nail Spa & Bar.

Samantala, tungkol sa serye ng kontrobersiyal na ‘kidnap-roberry cases’ sa BIR, sinabi ng isang ‘confidential informant’ na patuloy pa rin sa isinasagawang panliligalig ang grupong nasa likod ng sindikato laban sa  top officials ng kawanihan na naging biktima at umano’y kanila pang bibiktimahin sa pamamagitan ng pagdukot at panloloob sa mga ito pero wala pa rin ni isang lumalantad upang magharap ng reklamo sa takot na balikan sila at kanilang pamilya kaya nananatili pa ring unsolved cases ito.

Dahil marami na ang nag-resign sa puwesto sa takot na madamay ang kanilang pamilya at mala­gay sa panganib ang kanilang buhay, isang reshuffle ang ipinatupad ng BIR na nagbibigay ng bagong assignments sa ranking officials.

Itinalaga ni Re­venue Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay sa mga bagong posisyon bilang Revenue District Officers sina Christine Cardona sa Marikina City, Wrennolph ­Panganiban sa Tarlac City, Ed Castillo sa Cotabato City, Corazon Balinas sa Mandaluyong City, Miguel Morada sa Ca­loocan City, Socrates Regala sa Malabon City, Alfredo Santos sa Plaridel, Bulacan; Aldo Esmena sa Tagbilaran City, Tohammel Yahya sa Alaminos, Pangasinan; Charmaine Dela Torre sa San Fernando La Union, Jose Lourdes Tang sa Zaraga, Iloilo; Maglangit Decampong sa Mandaue City, Malik Umpar sa Cebu City South, Maria Isabel Utit sa Bayombong, Nueva Vizcaya at Cesar Bala­ngatan sa Ilagan, Isabela.

Ang paglalagay ng bagong RDOs sa nasabing puwesto ay layunin na punan ang mga nabakanteng posisyon na inookupa lamang ng mga assistant RDO upang higit na mapaganda ang koleksiyon ng buwis at makuha ang ina­asam na target tax collections sa kani-kanilang distrito.

Sinabi ng source na initial lamang ang isinagawang balasahan at inaasahang marami pang kasunod na travel assignment orders na ipalalabas ang opisina ng BIR commissioner sa mga susunod na araw upang mabigyan ng pagkakataon ang marami sa mga RDO na humihiling na mailipat sa ibang puwesto kasunod ng mga pagbabanta sa kanilang buhay at upang mas mapaigi ng mga ito ang pangongolekta ng buwis.



(Para sa komento o opinyon, mag-text lamang po sa 09293652344/ 09266481092 o email:[email protected])

Comments are closed.