NAILIGTAS sa kamay ng kanilang employer ang 16 Thai nationals na pawang mga empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na di-umano’y mga biktima ng sapilitang pagtatrabaho ng wala sa oras.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) director Brig. Gen. Kirby John Brion Kraft ang mga nasagip na biktimang sina Hasim Komonchanok, Iamphon Anucha, Mathsee Thaweeblamlerd, Khamwisu Darunee, Bunmachu Attaphon, Winai Noito, Sompong Sukyong, Wilaiporn Khasun, Sungnum Pannipa, Khaivigit Kittipong, Yuwamongkol Therapon, Worapattananan Panupong, Chaikla Natthamut, Rachala Mattana, Siriwan Panta at Jiang Jun.
Base sa report na natanggap ni Kraft, sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng District Special Operations Unit (DSOU), RSOG-NCRPO, CIDG RFU-3, CIDG Pampanga FU at ng Mabalacat City Pampanga Police Station ang Shedaikeji Technology na isang kumpanya ng POGO kung saan ikinasa ang rescue operation na nagresulta sa pagkakasagip ng mga biktima sa R6 Fontana Clark Freezone, Pampanga dakong alas 4:00 ng umaga ng Oktubre 15.
Ayon kay Kraft, isinagawa ang operasyon makaraang makatanggap siya ng tawag mula kay Minister Counselor Kritreya Lepkao ng Royal Embassy nito lamang Oktubre 13 na nagsasabing nakatanggap ng report ang kanilang embahada na may mga Thai national sa nabanggit na kumpanya na puwersahang pinagtatrabaho ng lampas sa kanilang oras na wala namang ibinabayad na overtime pay.
Sinabi ni Kraft na kanyang ipinag-utos ang pakikipagkoordinasyon sa iba pang nabanggit na ahensya ng kapulisan at ikinasa ang rescue operation kung saan mabilis ding nasagip ang mga biktima sa poder ng kumpanya ng POGO.
Agad namang nakipag-usap ang kumpanya ng POGO na inirepresenta ng isang Ms. Pablo na nangakong ibabalik ng employer ang pasaporte ng mga biktima sa Thai Embassy sa darating na Oktubre 17.
Makaraang ang rescue operation ay inilipat naman sa pangangalaga ng embahada ang mga biktima at sinabi ni Lepkao na wala na silang intensyon na maghain pa ng reklamo laban sa employer dahil nais lamang nilang makuha ang kanilang mga pasaporte upang makabalik sa kanilang bansa sa lalong madaling panahon. MARIVIC FERNANDEZ