PARAÑAQUE CITY – HINARANG ng mga opisyal ng Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang 16 na undocumented overseas Filipino workers (OFWs) na nagbabalak lumabas ng bansa bilang mga turista.
Ayon sa report na nakarating kay BI Commissioner Jaime Morente, dalawang magkakasunod na insidente o dalawang batch ng OFWs ang hindi pinayagan ng BI na makasakay ng eroplano noong Agosto 7 papuntang Taipei at Hong Kong.
Ang unang batch na kinabibilangan ng 12 mga OFW ay patungong Taipei habang ang pangalawang grupo naman ay patungong Hong Kong.
Batay sa impormasyon mula kay BINAIA Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) chief Anthony Lopez, na ang 12 OFWs ay patungong Taipei, kung saan na-recruit ang mga ito ng isang agency na nakabase sa Maynila at magtatrabaho sana sa United Arab Emirates bilang mga household worker.
Habang ang apat na patungong Hong Kong ay nadiskubre ng mga taga-BI na may visa papuntang China, na pinangakuan ng isang Filipino-Chinese businessman ng magandang trabaho sa China.
Ang 16 na biktima ay na-iturn-over sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa kaukulang imbestigasyon. FROI MORALLOS
Comments are closed.